Surprise! Mommy ka na NAMAN.
“Ready na ba ko ulit?”
“Kaya ko pa ba sa kabila ng pinagdaanan ko nung una?”
“Change of plans na naman.”
Mga tanong at salitang nasambit ko sa sarili ko. Aaminin kong hindi ako ready, pisikal man at emosyonal. Umiyak ako. Limang taon na ang nakakaraan mula nang nagbuntis ako sa una, unti-unti pa lang akong bumabangon. Unti-unti pa lang sana akong babawi sa sarili ko. Daming plano sana. Nanghina ako.
Parang ‘yong mga boses sa paligid ko, unti-unting nawawala at para akong mag-isa lang sa paligid. Totoo ba? Hindi ako makapaniwala. Nag-iingat naman kami. Pero siguro ‘di din ganon kaingat dahil may nabuo.
Tinanggap ko pa din. Blessing. Sinabi ko sa mag ama ko. Masaya sila. Lalo na yung anak ko na magiging kuya na. Lalo akong naiyak. Nagi-guilty ako.
50/50. 50 percent masaya, 50 percent hindi. Magkahalong emosyon.
Nagpa-checkup agad ako. May PCOS din ako kaya para sure.
Sac pa lang. Antay ng 2-3 weeks and ayon, nakita ko si baby. Iyak ako ng iyak, akala nung doktor, first time mom ako. Masaya ako nung nakita siya. Na-guilty ako dahil hindi ko agad natanggap pero nung araw na yun, alam ko sa sarili kong tanggap ko na. Mas minamahal ko na. Sorry anak.
Nagsimula ko na din maramdaman mga sintomas. Mas maselan kaysa noon. Sobrang sensitive ng pang-amoy ko, nasusuka ako palagi. Nahihilo ako. Ayokong kumain wala akong gana. Pinipilit ko lang iinom ng vitamins.
Kailangan i-bedrest din dahil may subchorionic hemorrhage akom nagko-contract din kaya dami ko iniinom. Pero para kay baby, kailangan. Desidido akong mabuhay siya. Mabuti na lang nalaman ko agad na andito na siya sa loob.
Alagang-alaga ako ng mag-ama ko lalo na ‘yong anak kong panganay. Sobrang protective sa’kin na ‘pag may masakit, sasabihin sa’kin na, “Anong masakit mommy? Sabihin kay kuya po.”
O kaya ‘pag hindi ako kumain, sasabihin niya, “Di ka na naman kumain mommy, kumain ka mommy.” Nakaka-touch. Nakakataba ng puso.
Kahit sobrang selan ng pagbubuntis ko ngayon, kakayanin ko para sa mag-ama ko at lalo na sa maliit na buhay na nasa tiyan ko. Mahal na mahal ko kayo.
‘Di man ako 100 percent naging masaya nung una, 100 percent naman ung kasiyahan ko ngayon.
Nahihirapan man ako, okay lang. Kakayanin makita ko lang at makasama ang maliit na buhay na nasa sinapupunan ko.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!